Post

Ang Plano ng Kaligtasan sa Bagong Tipan

Ang Plano ng Kaligtasan sa Bagong Tipan

Lucas 24:46–49

46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo,
at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;
47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.
48 Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.
49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa’t magsitira kayo sa bayan, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.

Panimula

Ano ang kaligtasan?
Sa konteksto ng Banal na Kasulatan, ang kaligtasan ay nangangahulugang “ang kalayaan ng tao mula sa lahat ng kapangyarihan at epekto ng kasalanan.” Sa Biblia, ito ay tumutukoy sa panunumbalik ng tao sa Dios mula sa kapangyarihan ni Satanas.

Mga Gawa 26:17–18

17 Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, na sa kanila’y sinusugo kita,
18 Upang idilat mo ang kanilang mga mata, upang sila’y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila’y magsitanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.


I – Sino ang nangangailangan ng kaligtasan?

Lahat ng tao ay nangangailangan ng kaligtasan sapagka’t ang lahat ay nagkasala…

Mga Awit 51:5

5 Narito, ako’y inanyuan sa kasamaan;
at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.

Roma 3:23

23 Sapagka’t ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.

… at ang kabayaran ng kasalanan ay Kamatayan!!!

Roma 6:23

23 Sapagka’t ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa’t ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Tandaan:
Ang kamatayang tinutukoy dito ay hindi lamang sa pisikal (Santiago 2:26), kundi pati na rin ang espiritwal na kamatayan (Isaias 59:1–2; Efeso 2:1–3) na siyang magdadala sa tao sa kapahamakan doon sa impierno (Apoc. 20:11–15; Apoc. 21:8).

Desktop View


II – Ang Paglalaan ng Dios ng Kaligtasan

Maliwanag ayon sa Biblia na ang tao ay makasalanan at wala siyang magagawa upang iligtas ang kaniyang sarili (Roma 7:24; Efeso 2:8–9). Dahil dito, ang Dios mismo ang siyang gumawa ng paraan — Siya’y nagkatawang tao, upang tayo’y mailigtas mula sa kasalanan at sa tiyak na parusang kamatayan sa impierno.

Ayon sa I Tim. 3:16, ang Dios ay nagkatawang tao, upang makapaglaan ng malinis na dugong ipangtutubos sa kasalanan ng buong sanglibutan (Heb. 2:9). Tandaan natin na ang dugo ang siyang katugunan sa hinihingi ng Batas ng Dios bilang kabayaran sa kasalanan.

Lev. 17:11

11 Sapagka’t ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka’t ang dugo’y siyang tumutubos dahil sa buhay.

Heb. 9:22

22 At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.

Note:
Sa Lumang Tipan, dugo ng malinis na hayop ang ginagamit upang bayaran o tubusin ang tao sa kaniyang kasalanan (Lev. 1:1–17; Lev. 4:1–35). Ang Dios mismo ang nagpakita ng ganitong halimbawa ng damitan Niya ng balat ng hayop sina Adan at Eva – pumatay Siya ng hayop, hindi lamang para bigyan ng damit sina Adan at Eva kundi para bayaran ang kanilang kasalanan sa pamamagitan ng pagtigis ng dugo nito (Gen. 3:21). Ang palatuntunang ito ay pinapraktis sa Lumang Tipan at ipinatutupad sa batas ni Moises (Gen. 4:4; Gen. 22:7–13; Exodo 12:1–42; Lev. 1:1–17; Lev. 4:1–35). Lahat ng ginagawa nilang ito ay nakaturo sa tunay na paghahandog ni Cristo na siyang Kordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan (Juan 1:29). Kaya nga sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, nagkaroon tayo ng katubusan mula sa kasalanan (Efeso 1:7).

Si Cristo ay Namatay Para sa Atin (Ito ang Biyaya ng Dios)

Desktop View

Roma 5:8

8 Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.

Heb. 2:9

9 Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa’t tao.

Doon sa Krus, binayaran ni Cristo ang lahat ng kasalanan sa lahat ng panahon…

Gal. 3:13

13 Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin; sapagka’t nasusulat, Sinumpa ang bawa’t binibitay sa punong kahoy:

…at ang benepisyo sa pag-aalay Niyang ito ay matatanggap ng bawat taong sasampalataya sa Kaniya ng may kalakip na pagtalima (Juan 3:16, 36; Roma 3:24–26).


III – Kung Paano Matatanggap ang Pagliligtas ng Dios

Ang kaligtasan ay biyaya ng Dios, at ito’y matatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8–9).
Ang biyaya ng Dios ay naipaabot sa atin nang si Cristo ay mamatay doon sa krus ng Kalbaryo (Juan 3:16; Roma 5:8).
Ang pananampalataya naman ay ang aktibong tugon natin sa Salita at pagliligtas ng Dios, at ito’y pinatutunayan ng ating pagtalima (Heb. 5:9; II Tes. 1:7–8; I Pedro 4:17).

Mula sa Matandang Tipan hanggang sa Bagong Tipan, ang Dios ay nagbibigay ng espisipikong tagubilin o instruksiyon na dapat sundin ng tao upang sila ay maligtas. Ang pagsunod nilang ito sa ipinag-uutos ng Dios ay pagpapakita ng kanilang tunay na pananampalataya sa Dios at sa Kaniyang Salita.

Mga Halimbawa:

Noe - Hebreo 11:7 – Ipinakita ni Noe ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Dios na gumawa ng daong sa ikaliligtas ng kaniyang pamilya.

Desktop View

Abraham - Heb. 11:17-19 – dito’y pinatunayan ni Abraham ang kaniyang pananampalataya ng sumunod siya sa Dios na ihandog ang kaniyang kaisa-isang anak na si Isaac doon sa bundok Moriah.

Desktop View

Moises - Heb. 11:23-29; Exodo 14:10-31 – Dahil sa pagsunod ni Moises sa Dios at sa Kaniyang salita, siya at ang buong Israel ay naligtas sa galit ng Paraon ng Ehipto ng sila’y tumawid sa dagat na mapula sa bisa ng kapangyarihan ng Dios.

Desktop View

Ang pagsunod sa espisipikong tagubilin ng Dios na siyang katunayan ng ating pananampalataya ay ang batayan ng Kaniyang pagliligtas sa tao. Ganito ipinakita ng mga tao sa Matandang Tipan ang kanilang tunay na pananampalataya sa Dios.

Pagdating sa Bagong Tipan, maliwanag na may ipinag-uutos ang Dios na dapat nating gagawin upang tayo ay maligtas, at ito’y mababasa natin sa mga talatang naglalaman ng dakilang utos ng Panginoon sa kaniyang mga Alagad bago siya umakyat sa langit.


IV – The Great Commission - Ang kapahayagan ng plano ng kaligtasan sa Bagong Tipan

Desktop View

Bago umakyat sa langit, ang panginoong Jesus ay nagbigay ng kaniyang huling utos sa mga alagad kung ano ang kanilang dapat na ipangaral para sa ikaliligtas ng mga tao. Ang utos na ito ay masusumpungan sa mga aklat ng Mateo 28:18-20, Marcos 16:15-16; Lucas 24:47-49 at Mga Gawa 1:1-8. Tinatawag natin itong “The Great Commission.”

Nakapaloob sa utos na ito ang sumusunod na mga hakbang para sa ikapagtatamo ng kaligtasan

  • PananampalatayaMarcos 16:15-16
  • Pagsisisi sa kasalananLucas 24:46-47
  • Pagpapabautismo sa tubigMateo 28:19; Marcos 16:16; Lucas 24:47
  • Pagtanggap ng Banal na EspirituLucas 24:49; Mga Gawa 1:8

Magbuhat sa Jerusalem

Pansinin: Ang pangangaral ng kaligtasan ayon sa paraang nabanggit ay magpapasimula sa Jerusalem.

Lucas 24:46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;
47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.
48 Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.
49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa’t magsitira kayo sa bayan, hanggang sa kayo’y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.

Nangangahulugan ito na ang plano ng kaligtasang dapat nating ipangaral at sasampalatayanan ay katulad sa ipinangaral ng mga alagad doon sa Jerusalem. Kaya nga kung mayroon mang mga nagki-claim na sa ganito o ganoong lugar (tulad ng Pilipinas, Efeso o iba pang mga lugar) magpapasimula ang pangangaral ng kaligtasan, mali po yun. Hindi yan sinasang-ayunan ng Biblia. Sa Jerusalem po magpapasimula ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaligtasan ayon sa iniutos ni Cristo.

Tanong: Tinupad ba ng mga apostol ang utos ng Panginoon na dapat nilang ipangaral doon sa Jerusalem?

Sagot: Opo!!! ito’y tinupad nila - sapagka’t matapos maibigay ng Panginoon ang Kaniyang huling utos sa mga alagad, sila’y bumalik sa Jerusalem at doon ay palagi silang nasa templo at nagpupuri sa Dios hanggang sa dumating sa kanila ang kapangyarihang sinabi ng Panginoon na ipinangako ng Ama, ang Banal na Espiritu.

Lucas 24:51–53

51 At nangyari, na samantalang sila’y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.
52 At siya’y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem na may malaking galak:
53 At palaging sila’y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.

Mga Gawa 2:1–4

1 At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako.
2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan.
3 At sa kanila’y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkakabahabahagi; at dumapo sa bawa’t isa sa kanila.
4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain.

Desktop View

Sa Jerusalem ay naganap ang unang pagbubuhos ng Espiritu Santo at ito’y nakaagaw pansin sa mga taong nagdiriwang ng Pista ng Pentecostes. Nang sila’y mag-usyuso at magtanong kung anong ibig sabihin ng mahimalang pangyayaring ito, si Pedro ay tumayo at nangaral tungkol sa pagbubuhos ng Espiritu Santo sa huling mga araw, na inihula ni propeta Joel (Joel 2:28–32) at sa Panginoong Jesucristo na kaniyang Tagapagligtas subalit kanilang ipinako at pinatay doon sa krus.

Dala ng banal na takot at kunsensiya, ang mga tao ay nagtanong kay Pedro at sa ibang mga apostol:

Mga Gawa 2:37–39

37 Nang marinig nga nila ito, ay nasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo,
at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-cristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo
.
39 Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat nangasa malayo, maging ilan man ang tawaging Panginoon nating Dios sa Kaniya.

Ang sagot na ito ni Pedro sa mga tao ay siyang unang katuparan sa iniutos sa kanila ng Panginoon na dapat ipangaral sa mga tao para sa ikapagtatamo ng kaligtasan, at ito ay unang ipinangaral sa Jerusalem.

Samakatuwid, kung si Apostol Pedro ay nangaral ng may pagsang-ayon ang lahat ng mga alagad tungkol sa pagsisisi, bautismo sa tubig, sa pangalan ni Jesucristo, at pagtanggap ng Espiritu Santo, ay kinakailangang ganoon din ang dapat nating gagawin. Huwag natin itong baguhin (Gal. 1:8–9).

Ibig sabihin, kung ang ipinangangaral nating plano ng kaligtasan
ay hindi katulad sa unang ipinangaral ng mga apostol doon sa Jerusalem,
ay maling aral po iyan — hindi yan ang ipinag-uutos ng Panginoon.

Sa mga susunod na aralin ay makikita natin
na ang mga alagad ay pare-pareho ang aral na kanilang ipinangaral sa mga tao tungkol sa kaligtasan.
Iisa lamang ang kanilang pattern o pinaggayahan
ang naunang ipinangaral sa Jerusalem.

Tanong:
Ang tinanggap mo bang aral tungkol sa paraan ng kaligtasan ay katulad sa ipinangaral ng mga Apostol doon sa Jerusalem?

Paglilinaw:

Ang kaligtasan ay regalo ng Dios (Efeso 2:8–9).
Naging posible ito dahil sa pagbabayad-sala ni Cristo sa krus ng Kalbaryo,
na naging pampalubag-loob o pantubos (atonement) sa ating mga kasalanan.

Ang atonement ay ang tanging paraan upang ang Dios ay makapagpatawad
nang hindi nalalabag ang Kaniyang kabanalan at katuwiran
(Basahin: Roma 3:23–26).

Maliwanag, na ang Dios ay naglaan ng kaligtasan
sa pamamagitan ng paghahandog ng Kaniyang dugo sa krus ng Kalbaryo
nang Siya’y magkatawang-tao – ito ang biyaya ng Dios.

Ang pagliligtas na ito ay matatanggap natin
sa pamamagitan ng pananampalataya
na pinatutunayan ng ating pagtalima o pagsunod sa Kaniyang mga utos:

  • magsisi sa kasalanan
  • magpabautismo sa tubig
  • tumanggap ng Espiritu Santo

Kaya nga, tulad sa nauna na nating sinabi,
ang biyaya ng Dios at pananampalataya ng tao
na may kalakip na pagtalima ay parehong kailangan sa kaligtasan
(Efeso 2:8–9).


V – Ang Tagapagligtas at ang Kaniyang Ipinag-uutos Para Tayo ay Maligtas

Sino ang Tagapagligtas, at ano ang Kaniyang ipinag-uutos na dapat nating gawin upang maligtas?

Sagot:
Ayon sa Biblia, si Cristo po ang ating Tagapagligtas (Mateo 1:21; Tito 2:13)
at sa Kaniya lamang masusumpungan ang kaligtasan.

Mateo 1:21

At siya’y manganganak ng isang lalake;
at ang pangalang itatawag mo sa kaniya’y JESUS;
sapagka’t ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

Mga Gawa 4:11–12

11 Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay,
na naging pangulo sa panulok.
12 At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan:
sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit,
na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.


Ang Ipinag-uutos ni Cristo na Gagawin ng Tao Upang Maligtas

Si Cristo, na ating Tagapagligtas, ay nag-utos na para maligtas,
ang isang tao ay kinakailangang:

  1. ManampalatayaMarcos 16:15–16
  2. MagsisiMateo 4:17; Mga Gawa 17:30
  3. Magpabautismo sa tubigMateo 28:19; Marcos 16:16
  4. Tumanggap ng Espiritu SantoJuan 20:22; Marcos 1:8

Bilang Tagapagligtas na nag-uutos,
dapat ba natin Siyang sundin?

Opo!
Kinakailangang sundin natin ang Panginoon,
katulad ng pagsunod ng mga alagad sa Kaniya.

Ayon sa Banal na Kasulatan:
Parurusahan ng Dios ang hindi sasampalataya
at hindi susunod sa Kaniyang Ebanghelyo:

  • Marcos 16:15–16
  • 2 Tesalonica 1:7–8
  • Juan 8:24 (KJV English)

VI – Ang kaligtasan, biyaya ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya

Efeso 2:8-9

Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;
9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

Ang talatang ito, Efeso 2:8-9, ay kadalasang nabibigyan ng maling pakahulugan tungkol sa kaligtasan. Madalas itong ginagamit na batayan sa pagsasabing ang kaligtasan daw diumano ay regalo ng Dios na makakamit sa pamamagitan ng simpleng pananampalataya lamang at hindi na dapat pagsumikápan, at isinasa-isang tabi na ang ipinag-uutos ni Cristo na ating Tagapagligtas.

Linawin po natin:

Totoo na ang ating kasalanan ay binayaran na ni Cristo doon sa krus (Roma 5:8), subalit hindi ito nangangahulugang wala na tayong gagawin para matanggap ang kaligtasang iniaalok Niya sa atin. Ang Dios ay may gampaning ginampanan sa pagligtas sa atin, at ito ay ang Kaniyang pagkakatawang tao upang magsilbing kahaliling alay o handog para sa ating kasalanan (Mga Gawa 20:28; Heb. 2:9).

Ang atin namang gampanin ay tanggapin ang regalong ito ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating matalimahing pananampalataya. Ang pananampalataya ay ang paraan kung paano natin tinatanggap ang biyaya ng Dios, at ang totoong sumasampalataya sa Dios ay sinusunod o tinutupad ang Kaniyang Salita (Mateo 7:21-27; Juan 3:36).

Pagsasalarawan:
Kung ikaw ay nasa gitna ng dagat, palutang-lutang at malapit ng malunod, ano ang gagawin mo kung may napadaang helicopter at naghagis sayo ng lubid para iligtas ka?

Tama, aabutin mo ito para ikaw ay maligtas. Gayundin ang biyaya at pagliligtas ng Dios. Ang kaligtasan ay regalo Niya sa atin, subalit kinakailangang tanggapin natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod sa mga kinakailangang kundisyon para matanggap ang pangako Niyang kaligtasan at buhay na walang hanggan.


VII – Ano ang ibig sabihin ng Efeso 2:8-9?

No’ng sinabi ng Dios sa Efeso 2:8-9:

Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;
9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

Ano ang ibig sabihin nito?

Ang mga talata pong ito ay isinulat ni Pablo hindi sa mga unbelievers o di-mananampalataya, kundi sa Iglesia ng Efeso o mga mananampalatayáng nakaranas na ng kaligtasan (Mga Gawa 19:1-7).

Maliwanag sa mga talatang ito na may dalawang sangkap na nakapaloob sa pagliligtas ng Dios sa tao:

  1. Biyaya ng Dios
  2. Pananampalataya ng tao

Himay-himayin natin ang siping ito ng kasulatan upang maunawaan natin kung ano ang ginawa ng Panginoong Jesus at ang dapat maging tugon ng tao para makamtan ang kaligtasan.

A) “Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas…”

Nangangahulugan ito na ang ating kasalanan ay binayaran ni Cristo doon sa krus ng kalbaryo ng Siya’y magkatawang tao upang mamatay para bayaran ang ating kasalanan (Roma 5:6-8; Hebreo 2:9,14Ito ang biyaya ng Dios), hindi dahil sa pinagsikapan natin ito, kundi dahil sa dakilang pag-ibig Niya sa atin.

Juan 3:16

Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak…

Efeso 2:4-5

Nguni’t ang Dios, palibhasa’y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin,
5 Bagama’t tayo’y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo’y nangaligtas).

B) “…sa pamamagitan ng pananampalataya;”

Maraming halimbawa sa Bagong Tipan ang nagpapakita na ang pananampalatayáng may kalakip na pagtalima o pagsunod ang naging daan sa pagtanggap ng kaligtasan. Ito ang tugon natin sa biyaya at pagliligtas ng Dios – Pananampalataya.

Mga Gawa 8:35-38

At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.
36 At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako’y mabautismuhan?
37 At sinabi ni Felipe Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si JesuCristo ay Anak ng Dios.
38 At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila’y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.

Tandaan:
Ang pananampalataya sa Panginoon ang siyang mag-uudyok sa atin upang sundin ang kaniyang utos na tayo’y magpabautismo sa tubig para sa ikapagtatamo ng kaligtasan.

Marcos 16:15-16

At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

Gusto mo ngang maligtas pero ayaw mo namang magpabautismo, maliligtas ka ba nun? Siyempre hindi.

Hebreo 11:7

Sa pananampalataya si Noe, nang paunawaan ng Dios tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, dala ng banal na takot, ay naghanda ng isang daong sa ikaliligtas ng kaniyang sangbahayan; na sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanglibutan, at naging tagapagmana ng katuwiran na ayon sa pananampalataya.

Kung si Noe ay naniwala sa Dios na magkakaroon ng baha subalit hindi Siya sumunod sa Dios para gumawa ng daong, palagay mo maliligtas kaya siya at ang kaniyang pamilya? Hindi, sa halip ay kasama silang malulunod (I Pedro 3:20-21).

Mga Gawa 16:30-3

At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.
32 At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.
33 At sila’y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka’y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.

Hebreo 5:9

At nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya;

Samakatuwid, nagiging epektibo lamang ang pananampalataya kung ito’y nilalakipan ng pagtalima o pagsunod sa Salita ng Dios. Basahin din Juan 3:36 – sa talatang ito, maliwanag na ang tunay na pananampalataya ay katumbas ng pagtalima. Roma 10:16 KJV English

C) …at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;

Ang pagsisisi, pagpapabautismo sa tubig at pagtanggap ng Espiritu Santo ay hindi mga gawaing pinagsusumikápan natin para matanggap ang kaligtasan, kundi sa halip ay mga gawa ito ng Dios sa atin (God’s work in us) para maging epektibo ang kaniyang pagliligtas sa atin..

Filipos 2:13

Sapagka’t Dios ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanasa at sa paggawa, ayon sa kaniyang mabuting kalooban.

  1. Kung bakit tayo nagsisi ay dahil kinilos ng Dios ang puso natin upang sasampalatayáng ang kasalanan ay mali at ito’y magdudulot ng kapahamakan sa ating kaluluwa (Roma 2:4; Mga Gawa 2:37-38; Roma 6:23).

    Roma 2:4

    O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?

  2. Sa kahalintulad na paraan, tayo ay nagpapabautismo sa tubig sa Pangalan ni Jesucristo dahil hinipo ng Dios ang ating puso upang maunawaang ito lang ang paraan para mapatawad at mahugasan ang ating kasalanan (Mga Gawa 2:37-38; 22:16; I Pedro 3:21).

    Mga Gawa 2:37-38

    37 Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?
    38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

    Mga Gawa 22:16

    At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.

  3. At kung bakit tinanggap natin ang Espiritu Santo ay sapagka’t naniwala tayo na ang regalong ito ay para sa ating mga nananampalataya sa Kaniyang pangalan (Juan 7:37-39).

    Juan 7:37-39

    37 Nang huling araw nga, na dakilang araw ng kapistahan, si Jesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, Kung ang sinomang tao’y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom.
    38 Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabing kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay.
    39 (Nguni’t ito’y sinalita niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga magsisisampalataya sa kaniya: sapagka’t hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka’t si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.)

Samakatuwid, Dios ang Siyang gumagawa ng lahat ng ito sa atin upang magkaroon tayo ng paghahangad at kakayanang magsisi sa kasalanan, magpabautismo sa tubig at tumanggap ng Espiritu Santo

D) …hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri”

Huwag nating isipin na dahil sa pagsusumikap natin o kaya’y ang paggánap sa kautusan ni Moises ay natanggap natin ang kaligtasan - hindi po!!!

Ang kaligtasan ay libreng ipinagkakaloob ng Dios sa tao. Naging posible ito dahil sa pagbabayad-sala ni Cristo, at ang tanging paraan upang ito’y matanggap ay sa pamamagitan ng matalimahing pananampalataya kay Jesus at sa kasapatan ng kaniyang pag-aalay.

Rom 3:24-25,28

24 Palibhasa’y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:
25 Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubaglóob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinhod ng Dios;

28 Kaya nga maipasiiya natin na ang tao ay inaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

Rom 4:22-25

22 Dahil dito’y ibinilang naman na katuwiran sa kaniya.
23 Ngayo’y hindi lamang dahil sa kaniya isinulat, na sa kaniya’y ibinilang;
24 Kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa ating mga nagsisisampalataya sa kaniya na bumuhay na maguli sa mga patay, kay Jesus na ating Panginoon,
25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.

Sa Roma 8:32, ipinapakita na hindi lamang ibinigay ng Dios ang anak upang mamatay dahil sa atin para matanggap natin ang kaligtasan, kundi ipinagkaloob niya na rin ang lahat ng kinakailangan upang mapanatili ang ating kaligtasan.

Rom 8:32

Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?

Ibig sabihin, mula sa pasimula hanggang sa katapusan, Dios ang gumagawa ng pagliligtas sa atin. Ang tanging magagawa lang natin ay ang tanggapin sa pamamagitan ng pananampalatayáng may pagtalima o kaya’y tanggihan sa pamamagitan ng pag-aalinlangan ang pagliligtas na ito ng Dios. Nasa sa atin napo yan.

Pagtatapos:

Napakahalagang sumunod tayo sa plano ng Dios tungkol sa kaligtasan. Ang pagsunod sa Dios ay mas maigi kaysa mga hain o sakripisyo natin sa Kaniya.

1Samuel 15:22

At sinabi ni Samuel, Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon?
Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdining kay sa taba ng mga tupang lalake.

Si Cornelio ay isang taong masipag sa kabanalan, matatakutin sa Dios, siya at ang buong sangbahayan, at naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Dios. Subalit ng marinig niya ang pangangaral ni Pedro at malaman ang paraan ng kaligtasan, walang atubiling sinunod niya ito sapagka’t alam niyang ito ang kalooban ng Dios sa ikapagtatamo nila ng kaligtasan (Basahin: Mga Gawa 10:1-48).

Sagutan ang mga sumusunod na katanungan:

  1. Sa konteksto ng Banal na kasulatan, ano ang ibig sabihin ng kaligtasan?

  2. Roma 3:23 Sapagka’t ang _________ ay nangagkasala nga, at hindi _________________ sa kaluwalhatian ng Dios;

  3. Sa pamamagitan ng Kaniyang ____________________ tao, ang Dios ay nagkaroon ng malinis na dugong ______________ sa kasalanan ng sangkatauhan - na siyang katugunan sa hinihingi ng Batas ng Dios bilang kabayaran sa kasalanan. (I Tim. 3:16; Roma 6:23; Lev. 17:11)

  4. Sa Biblia, makikita natin na ang kaligtasan ay __________ ng Dios at ito’y matatanggap sa pamamagitan ng ______________________ (Basahin ang Efeso 2:8-9).

  5. Tatlong karakter sa Biblia na ipinakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinag-uutos ng Dios.
    A.
    B.
    C.

  6. Sa Great Commission, mayroong apat na pangunahing hakbang sa ikapagtatamo ng kaligtasan, anu-ano ang mga ito?
    A.
    B.
    C.
    D.

  7. Saang lugar dapat unang ipangaral ang kaligtasan ayon sa ipinag-uutos ng Panginoong Jesus sa kaniyang mga alagad?

  8. Magbigay ng sariling opinyon kung bakit kinakailangang kapareho sa itinuro ng mga alagad sa Jerusalem ang paraan ng kaligtasang dapat nating ipangaral at susundin.

  9. Ang ______________ ay ang tanging paraan upang ang Dios ay makapagpatawad sa kasalanan ng tao ng hindi nalalabag ang Kaniyang kabanalan at katuwiran (Basahin - Roma 3:23-26).

  10. Ayon sa banal na kasulatan, parurusahan ng Dios ang hindi ______________ at ______________ sa kaniyang Evangelio (Marcos 16:15-16; II Tes. 1:7-8; Juan 8:24).

  11. Ang Dios ay may gampaning ginampanan sa pagliligtas sa atin, at ito ay ang Kaniyang __________________ upang magsilbing kahaliling alay o handog para sa ating kasalanan (Mga Gawa 20:28; Heb. 2:9)….
    Ang atin namang gampanin ay ______________ ang regalong ito ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating matalimahing ___________________.

  12. Efeso 2:8

    Sapagka’t sa __________ kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng _____________; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;
    9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.

  13. Ang kaligtasan ay __________ ipinagkakaloob ng Dios sa tao. Naging posible ito dahil sa pagbabayad-sala ni Cristo, at ang tanging paraan upang ito’y matanggap ay sa pamamagitan ng matalimahing ________________ kay Jesus at sa kasapatan ng kaniyang pag-aalay.

  14. 1 Samuel 15:22

    At sinabi ni Samuel, Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon?
    Narito, ang ____________ ay ___________ kay sa hain, at ang pagdining kay sa taba ng mga tupang lalake.


Credits

Book: Mga Pangunahing Doktrina sa Biblia - Pages 39-47
Author: Rev. Ranny D. Cometa | UPC Naga

This post is licensed under CC BY 4.0 by the author.