Ang Pananampalatayang Nagliligtas
MGA GAWA 16:30 At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas? 31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.
Panimula:
Sinasabi sa Juan 3:16 na “…ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” at sa Efeso 2:8 na “Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios.”
Maliwanag sa mga talatang ito na ang pananampalataya ay napakahalagang sangkap na kinakailangan sa ikapagpatawad ng kasalanan. Subalit ano nga ba ang tunay na pananampalatayang nakapagliligtas? Alamin natin kung ano ang itinuturo ng Biblia tungkol dito at kung paano tayo magkakaroon nito?
I - Ang kahulugan ng pananampalataya
Ang pananampalataya (Gk. Pistis strong 4102), ay tumutukoy sa “matatag na pangungumbinsi,” isang pananalig na nakabatay sa pakikinig. Kabilang din sa pakahulugan nito ang kabuoang pagkilala sa banal na kapahayagan ng Dios, personal na pagsuko sa Kanya, at pamumuhay na hango sa naturang pagsuko. (Vine’s complete expository Dict. of Old and New Testament words, Vol. 2, p 222).
Moral na kombiksiyon (ng katotohanang pang Relihiyon, o ang katotohanan ng Dios), lalong lalo na ang pagtitiwala kay Cristo para sa kaligtasan (Strong’s Greek Dict. Of New Testament, Page 71, G4102).
Ayon naman sa Merriam-Webster’s Collegiate Dict. (Eleventh Edition), ang pananampalataya ay:
- katapatan sa tungkulin o tao;
- Paniniwala at pagtitiwala sa at katapatan sa Dios;
- Paniniwala sa tradisyunal na mga katuruan ng isang Relihiyon.
- Bagay na pinaniniwalaan kasama ng matibay na kombiksiyon lalo na ang sistema ng paniniwala sa Relihiyon
Ang totoo niyan ay masyadong malawak ang salitang pananampalataya at mahirap itong ipaliwanag sa isang pananaw o kaisipan lamang. Ang sumusunod na mga talata ay nagpapakita ng ideya kung ano ang ibig sabihin ng pananampalataya ayon sa Biblia.
- Kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita - Hebreo 11:1. Kapanatagan (Gk. Hupostasis - Assurance, confidence). Katunayan (Gk. Elegchos - Proof).
- Pagtitiwala sa Dios sa Kaniyang kapangyarihan at kakayanang gawin ang anumang bagay - Mar. 9:23; 11:22-24; I Cor. 12:8-10
- Aral o turong pinaniniwalaan - I Tim. 4:16; a Cor. 13:5; Judas 1:3
- Uri ng pamumuhay at paglilingkod sa Dios – Roma 1:17; Gal. 5:22-23 (Faithfulness)
- Paniniwala sa Dios at sa kaniyang salita kalakip ang pagsunod na siyang pangunahing kailangan sa ikapagtatamo ng kaligtasan - Marcos 16:15-16; Mga Gawa 16:30-31.
Sa araling ito, itutuon natin ang ating pagtalakay sa ikalimang kahulugan ng pananampalataya bilang paniniwala sa Dios at sa Kaniyang salita na siyang pangunahing kailangan ng isang tao sa ikapagtatamo ng kaligtasan at ng buhay na walang hanggan.
II – Ang biyaya ng Dios at ang pananampalataya ng tao
Sa Biblia, maliwanag na ang Dios ang Siyang naglaan ng kaligtasan sa tao sa pamamagitan ng kamatayan ni Cristo sa krus (Roma 5:8; Roma 6:23). Ito ang biyaya ng Dios na may dalang kaligtasan (Efeso 2:8-9; Tito 2:11-13).
Ang tao ay walang maitutulong sa Dios sa paglalaan ng kaligtasan, subalit mayroon siyang responsibilidad na tanggapin o kaya’y tanggihan ang iniaalok ng Dios na kaligtasan (Juan 3:16).
Ang tugon ng tao sa Dios sa pagtanggap ng Kaniyang pagliligtas ay tinatawag na pananampalataya (Roma 3:21-31; Efeso 2:8-9).
Samakatuwid, ang biyaya ng Dios at pananampalataya ng tao ay parehong kailangan sa kaligtasan.
Hebreo 11:6 At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugodlugod sa kaniya; sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.
Ang pananampalataya ang unang hakbang na kinakailangang gawin ng isang tao upang Siya’y makatanggap ng kaligtasan (Marcos 16:15-16)
III – Ano ang pananampalatayang nagliligtas?
Batay sa mga nabanggit natin sa itaas, ang pananampalatayang nagliligtas ay kinapapalooban ng pagkilala kay Cristo Jesus bilang ating Dios na Tagapagligtas (Tito 2:13) at paniniwala sa katotohanan ng kaniyang mga Salita (Juan 11:25-26; 12:47-48) na pinatutunayan ng ating pagtalima.
Juan 3:36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni’t ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.
Mga halimbawa ng mga taong sumampalataya ng may pagsunod o pagtalima:
- Noe – Hebreo 11:7 Ipinakita ni Noe ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagtalima sa utos ng Dios na gumawa ng daong para sa ikaliligtas ng kaniyang pamilya.
- Mga Israelita – Exodo 12 ipinahayag nila ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Dios ng ipahid ang dugo sa poste ng kanilang pintuan, kaya’t sila’y naligtas.
- Moises – Heb. 11:23-29 dahil sa kaniyang pagsunod sa Dios, nakatawid silang ligtas sa dagat na pula
- Bantay ng kulungan, sa Filipos – Mga Gawa 16:31-34 Sinunod nila ang utos ni Apostol Pablo na manampalataya sa Panginoong Jesus at pagkatapos ng Bible Study ay nagpasyang magpabautismo kasama ang buong sangbahayan niya.
Maliwanag sa mga halimbawang ito na ang tunay na pananampalataya, sa Lumang Tipan man o sa Bagong Tipan, ay naipakikita sa pamamagitan ng pagtalima o pagsunod. Basahin din: Mateo 1:21; Mga Gawa 4:10-12; Mga Gawa 16:30-34; Lucas 6:46; Hebreo 5:9; II Tes. 1:7-9. Ipinakikita sa mga talatang ito ang pananampalataya kay Cristo na pinatutunayan ng pagsunod para maligtas.
IV - Saan nanggagaling ang pananampalataya?
May dalawang pinanggagalingan ang pananampalataya (kakayanang maniwala) sa Dios. Una, ang pananampalataya ay ibinibigay ng Dios (Roma 12:3). Pangalawa, ito’y nanggagaling sa pakikinig ng Salita ng Dios (Roma 10:17).
1. Ang pananampalatayang bigay ng Dios
Ayon sa Roma 12:3, ang Dios ay nagbigay ng inisyal o sukat na pananampalataya sa bawat isa.
Roma 12:3 Sapagka’t sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa’t tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa’t isa.
Sa Roma 1:19-20, makikita natin na ang Panginoong Dios ay nag-iwan ng maliwanag na saksi tungkol sa Kaniyang sarili upang ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakataong manampalataya sa Kaniya at ng sa gayon ay walang maidadahilan kung mabigo silang gawin ito.
Roma 1:19 Sapagka’t ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka’t ito’y ipinahayag ng Dios sa kanila. 20 Sapagka’t ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila’y walang madahilan:
Mula sa Banal na Kasulatan, makikita natin na maraming tao ang nagpakita ng kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang pagsunod sa ipinag-uutos ng Dios. Sa Hebreo 11:1-40, mababasa natin ang napakaraming mga tao sa Biblia na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagpakita ng tamang paglilingkod sa Dios. Anong ibig sabihin nito? Baga ma’t ang Dios ay nagbigay ng inisyal na pananampalataya (kakayanang maniwala) sa bawat isa, nasa sa tao parin kung gagamitin niya ito para maglingkod sa Dios o hindi. Maraming tao ang sa halip na gamitin ang pananampalataya para maglingkod sa tunay na Dios ay sa iba nila ginamit ito (Roma 1:18-32)
Rom 1:25 Sapagka’t pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila’y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.
Ang iba nanampalataya sa Diablo, ang iba sa sarili, ang iba sa maling dios o mga dios-diosan, ang iba sa mga taong nagmamagaling at ang iba naman ay sa mga materyal na bagay. Nakakalungkot subalit ang katotohanan ay maraming mga tao at bansa ang hindi nananampalataya at naglilingkod sa Dios.
Maliwanag na ang Dios ang nagbahagi ng pananampalataya sa tao (Roma 12:3), at ito’y sinang-ayunan ni Apostol Pablo sa pagsasabing si Jesus ang gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya (Hebreo 12:2). Pwede ba tayong magkaroon ng pananampalataya sa sariling pagsisikap natin? Sagot, hindi po.
Roma 3:10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa; 11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios
Juan 6:44 Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya’y magdala sa akin; at siya’y aking ibabangon sa huling araw.
Ayon sa mga talatang ito, maliwanag na walang sinomang tao ang maaaring magkaroon ng pananampalataya o kakayanang maniwala sa Dios kung hindi ito ipagkakaloob ng Dios sa kaniya…
Juan 3:27 Sumagot si Juan at sinabi, Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang ito’y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit.
Ang magandang balita, si Jesus ay namatay sa krus upang makapagbigay ng biyaya o tsansa sa lahat na manampalataya sa Dios sa ikaliligtas (Juan 3:16). Bagamat ang tao sa kaniyang sarili ay ubod ng sama at makasalanan na hindi niya magawang lumapit at piliin ang Dios, ang Dios ay nagbigay sa bawat tao ng kakayanang hanapin Siya at tumugon sa kaniya. Ito ang biyaya ng Dios na may dala-dalang kaligtasan sa lahat ng tao (Tito 2:11).
Tito 2:11 Sapagka’t napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao,
Kung paano nakapagkakaloob ang Dios ng pananampalataya sa tao
Ang pananampalataya ay naipagkaloob ng Dios sa mga tao ng si Cristo ay mamatay duon sa krus ng Kalbaryo (Juan 3:16).
Juan 3:16 Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
May dalawang sangkap na bumubuo sa pagliligtas ng Dios ayon sa mga talatang ito
- Pag-ibig o biyaya ng Dios, at ito’y may dalang kaligtasan – Roma 5:8; Tito 2:11
- Pananampalataya ng tao – Efeso 2:8-9; Hebreo 11:6.
Bago manampalataya ang tao, nauna muna ang pag-ibig o biyaya ng Dios. Tanong ng iba, kung ang inisyal na pananampalataya ay ipinagkaloob ng Dios sa tao ng mamatay si Cristo, papaano naman ika ang mga taong nabuhay sa Lumang Tipan. Paano sila tumanggap ng inisyal na pananampalatayang gayong si Cristo ay namatay sa panahon ng bagong Tipan? Sagot: Bago itinatag ang sanglibutan, ang Cristo ay nakilala nga ng una (I Pedro 1:18-20), at Siya’y pinatay mula ng itatag ang sanglibutan (Apoc. 13:8).
I Pedro 1:18 Na inyong nalalamang kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; 19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga’y ang dugo ni Cristo: 20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni’t inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo,
Apoc. 13:8 At ang lahat ng nangangananahan sa lupa ay magsisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan.
Ibig sabihin, maging ang mga tao sa Lumang Tipan ay nabiyayaan na rin ng inisyal na pananampalataya dahil ayon sa plano ng Dios, ang Cristo ay pinatay mula ng itatag ang sanglibutan. Nangangahulugan ito na bago pa magkasala ang tao nauna na sa isipan ng Dios ang pagtubos. Ulitin ko po, ito ang biyaya ng Dios na Kaniyang pinarating sa mga tao na may dalang kaligtasan (Tito 2:11-13), at ito’y nagbibigay kakayanan at humihimok sa tao upang tanggapin ang gawaing pagliligtas ng Dios. Basahin din: Mga Gawa 17:30; Filipos 2:13; I Juan 5:3; II Pedro 3:9; Roma 2:4, sa mga talatang ito ay makikita na ang Dios ang unang gumawa ng hakbang upang ang tao ay tumanggap ng kaligtasan, kaya’t depende nalang sa atin kung atin itong sasampalatayanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kundisyong nakapaloob dito.
Tandaan: Ang panawagan ay para sa lahat (Mateo 11:28; Apoc. 22:17), subalit ang maliligtas ay yaong tutugon lamang sa pamamagitan ng pananampalataya (Mateo 22:14; Juan 3:16).
2. Ang pananampalataya - nanggagaling sa pakikinig ng Salita ng Dios
Rom 10:17 Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo. Rom 10:17 So then faith cometh by hearing, and hearing by the word of God.
Mga halimbawa ng mga taong nagkaroon ng pananampalataya dahil sa pakikinig ng Salita ng Dios:
- Ang mga taga Samaria - Mga Gawa 8:12-16; 35-38
- Si Cornelio at mga kasangbahay niya - Mga Gawa 10:44-48
- Mga taga Corinto - Mga Gawa 18:8
Mapapansin sa mga talatang nabanggit na ang mga sumampalataya ay nangagpabautismo - iyan kasi ang katunayan ng totoong nananampalataya sa salita at ipinag-uutos ni Cristo para maligtas (Marcos 16:16). Napakahalaga na ang Salita ng Dios ay kinakailangang maipangaral muna upang ang makapakikinig nito ay magkaroon ng pananampalataya para sa ikaliligtas. Basahin: Roma 10:13-17; Mga Gawa 11:13-14; Mga Gawa 10:34-48
V - Anu-ano ang mga sangkap na bumubuo sa pananampalatayang nagliligtas?
Mayroong tatlong sangkap na bumubuo sa pananampalatayang nagliligtas:
- Kaalaman - Oseas 4:6; Sant. 2:19 (Dapat kilala mo kung sino ang Dios na iyong sinasampalatayanan at ang aral na iyong pinaniniwalaan para sa iyong kaligtasan).
- Pagtanggap - Juan 12:47-48 (Pagpapakita ito ng pagsang-ayon sa aral na itinuro, at ito’y kinakailangang may matibay na basehan upang maging makatotohanan – 2 Cor. 13:1; I Cor. 4:6)
- Pagsasagawa o pagtalima - Apoc. 1:3; Sant. 2:20 (Ito’y patunay o ebidensiya ng ating totoong pananampalataya - Juan 3:36; Lucas 6:46. Dapat maging tagatupad tayo – Sant. 1:22).
Kung bakit kinakailangan ang pagtalima para maligtas:
2Tes 1:7 At kayong mga pinighati ay bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang mga anghel ng kanyang kapangyarihan na nasa nagniningas na apoy, 8 Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.
May kaparusahan doon sa impierno para sa mga taong nakikinig lang subalit hindi sumusunod. Basahin din: Mateo 7:21-23.
VI - Ang pananampalatayang hindi makapagliligtas
Ang pananampalatayang hindi makapagliligtas ay ang makasaysayang paniniwala lamang kay Jesus, na Siya ay ipinanganak, gumawa ng mga himala, namatay, nabuhay mag-uli, na kinikilala mo Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas, subalit walang kaukulang pagsunod o pagtalima sa ipinag-uutos ni Cristo (Lucas 6:46; Juan 3:36 KJV Tagalog).
Mga halimbawa:
- Mga Israelita - Juan 2:23-25
- Mga lider sa Relihiyon ng Judio - Juan 12:42-43
- Mga Demonyo - Sant. 2:19. Ang mga demonyo ay hindi lamang naniniwalang may iisang Dios, ipinahahayag pa nilang si Jesus ay Anak ng Dios (Mateo 8:29), datapuwa’t wala silang pananampalatayang nakapagliligtas.
Ayon mismo sa Panginoon, maraming tao ang gagawa ng mga himala gamit ang Kaniyang pangalan, subalit hindi maliligtas dahil hindi nila ginanap ang kalooban ng Dios (Mateo 7:21-27). Ang tunay na sumasampalataya sa Dios at gustong maligtas ay yaong sumusunod at ginagawa ang kalooban ng Dios.
Juan 14:15 Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.
Heb 5:9 At nang siya’y mapaging sakdal, ay siya ang gumawa ng walang hanggang kaligtasan ng lahat na mga nagsisitalima sa kaniya; (Basahin: Juan 3:36 at II Tesalonica 1:7-9)
Sa Mga Gawa 8:12-23, maliwanag na kahit magkaroon tayo ng paniniwala at pagtanggap sa Dios subalit kulang naman sa ganap na pagkakatiwala kay Jesus at pagsunod sa kaniyang salita ay hindi parin po tayo maliligtas. Basahin at pag-aralan ang talatang nabanggit. Wika ng Panginoon: “At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)
Basahin din ang mga talatang ito na nagpapakita kung gaano kahalaga ang pagsunod bilang patunay ng pananampalataya sa ikaliligtas: Roma 16:26; Heb. 5:9; Mga Gawa 6:7; Roma 1:5; 2:6-10; 10:16; Hebreo 11:6-8.
VII - Anu-ano ang mga dapat nating sampalatayanan para sa ikapagtatamo ng kaligtasan?
Upang maligtas, ang isang tao ay kinakailangang manampalataya:
- Sa Nag-iisang tunay na Dios (Marcos 11:22; Heb. 11:6; Juan 17:3; Sant. 2:19).
- Sa Panginoong Jesucristo, na Siya ang nag-iisang Dios na nagkatawang tao (Juan 6:47 KJV English; Mga Gawa 16:30-31; I Tim. 3:16; II Juan 1:7; Roma 10:4).
- Sa Kaniyang Salita (Lucas 8:11-12; II Tim. 3:15), at
- Sa Evangelio ni Cristo, na siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya (Marcos 16:15-16; Roma 1:16; I Cor. 15:1-4; Efeso 1:13).
Batay sa mga katotohanang ito maipapasya natin na ang wastong kahulugan ng pananampalatayang nagliligtas ay:
“ang paniniwala sa iisang tunay na Dios na nagkatawang tao, samakatuwid baga’y si Jesucristo at ang pagtanggap sa kaniyang Salita, ang evangelio, bilang natatanging paraan ng kaligtasan kalakip ang pagsasagawa nito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kundisyong nakapaloob dito.”
Sa mga susunod na aralin ay tatalakayin natin ang tungkol sa Evangelio na siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya.
VIII – Ang pananampalataya at mabuting gawa (Efeso 2:8-10)
Ang pananampalataya ay hindi maaaring ihiwalay sa mabuting gawa. Ibig sabihin, matapos kang sumampalataya sa Panginoong Jesus at gawin ang mga kinakailangang hakbang o kundisyon para sa iyong kaligtasan, ay dapat ipamuhay mo rin sa pananampalataya ang Salita ng Dios sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.
Efeso 2:10 Sapagka’t tayo’y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.
Tito 2:11 Sapagka’t napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao, 12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito;
Ilan sa mga halimbawa ng mga taong ipinakita ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng mabuting gawa
- Abraham (Sant. 2:14-24). Si Abraham ay tinawag na kaibigan ng Dios sapagkat kaniyang sinunod ang Dios upang ialay ang kaniyang anak na si Isaac sa dambana (Gen. 22:16-18).
- Rahab (Sant. 2:24-26). Nagpakita siya ng mabuting gawa dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan.
Sa Mga Gawa 16:30-34, may dalawang uri ng pananampalataya ang masusumpungan dito:
- Pananampalataya bago ang kaligtasan (Saving Faith - Acts 16:30-33); at
- Pananampalataya pagkatapos ng kaligtasan (Living by faith - Mga Gawa 16:34; Romans 1:17).
IX - Sina Apostol Pablo at Santiago, nagkakasalungatan nga ba?
Wala po tayong nakikitang pagkakasalungatan sa itinuturo ng dalawang ito tungkol sa pananampalataya.
Kay Pablo, ang binibigyang diin niya ay ang pag-aaring ganap o pagpapawalang-sala sa isang tao sa pamamagitan ng pananampalataya sa Dios na hindi nakukuha sa pamamagitan ng sariling pagsisikap at gawa ng kautusan, kundi sa pananampalataya kay Cristo (Roma 4:1-25), at napag-aralan na natin na ang tunay na pananampalataya ay may kalakip na pagtalima o pagsunod.
Kay Santiago naman, ang tinanggap nating kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo ay nagbubunga ng mabuting gawa. Ibig sabihin ang tunay na pananampalataya ay mayroong ebidensiya – nakikita ang mabuting gawa sa kaniyang buhay (Basahin: Efeso 2:8-10; Santiago 2:14-26).
Maliwanag na si Pablo at si Santiago ay parehong sumasang-ayon na ang pananampalatayang nagliligtas ay magbubunga ng isang binagong-buhay na may pagtitiwala sa Dios, at ito’y pinatutunayan ng mabuti niyang ginagawa. Ibig sabihin, matapos tayong sumampalataya sa Dios at ganapin ang kinakailangang mga kundisyon sa ikaliligtas - ang pagsisisi, pagpapabautismo sa tubig at pagtanggap ng Espiritu Santo (Mga Gawa 2:38), ay kinakailangang mamuhay tayong matuwid at mabuti na may pananampalataya o pagtitiwala sa Dios (Roma 1:17; Filipos 2:12-13).
Pagtatapos:
Matapos mapangaralan tungkol kay Jesus, ang bating ay nagpasyang magpabautismo ng sila’y makarating sa dakong may tubig. Gayunpaman, hindi siya binautismuhan ni Felipe hanggat hindi nagpapahayag ng kaniyang pananampalataya kay Cristo. Matapos magpahayag ng kaniyang pananampalataya kay Cristo, ipinag-utos ni Felipe na itigil ang karo at sila’y kapuwa lumusong sa tubig at binautismuhan niya ang bating (Mga Gawa 8:36-38). Maliwanag sa mga talatang ito na ang pananampalataya ay napakahalagang sangkap na kinakailangan bago bautismuhan ang isang tao para sa kaniyang kaligtasan (Marcos 16:15-16). Kaya nga, kung nais nating maligtas, sampalatayanan natin ang Panginoong Jesus at sundin ang kaniyang mga ipinag-uutos.
Sagutan ang sumusunod na mga katanungan
Credits
Book: Mga Pangunahing Doktrina sa Biblia
Author: Rev. Ranny D. Cometa | UPC Naga