Post

Ang pagtubos (Ang Gawaing Pagliligtas ng Dios)

Ang pagtubos (Ang Gawaing Pagliligtas ng Dios)

2 Cor 5:15

At siya’y namatay dahil sa lahat, upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili, kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.

Panimula:

Sa Banal na Kasulatan, makikita natin na ang kamatayan ni Cristo sa krus (ang pag-aalay ng dugo o pagbibigay ng buhay) ang siyang naging “tanging paraan” upang tayo ay matubos sa kasalanan…

Eph 1:7

Na sa kaniya’y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,

…at upang matanggap ang mga benepisyo sa ginawa Niyang ito, kinakailangang tayo ay sumampalataya sa Kaniya.

Juan 3:16

Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumasampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

I – Ang pagtubos, plano ng Dios mula pa sa pasimula

Ang Dios ay nagkatawang tao sa katauhan ni Cristo upang makapaglaan ng kaligtasan sa sangkatauhan (Hebreo 2:9). Subalit ang ginawa Niyang ito ay hindi isang biglaang solusyon lamang para sa kasalanan ng tao, kundi sa halip ay katuparan ito sa napasya Niya ng plano bago pa itatag ang sanglibutan.

Ang paunang kaalaman (Foreknowledge) ng Dios

Isa sa mga katangian ng Dios na wala sa tao ay ang Foreknowledge o paunang kaalaman sa mga bagay na hinaharap.

Rom 4:17

(Gaya ng nasusulat, Ginawa kitang ama ng maraming bansa) sa harapan niyaong kaniyang pinanampalatayanan, sa makatuwid baga’y ang Dios, na nagbibigay na buhay sa mga patay, at tumatawag sa mga bagay na hindi pa hayag na tila hayag na. (Basahin din: Isaias 46:9-10; Mga Gawa 15:18).

Sa Kaniyang paunang kaalaman, nakita ng Dios na ang taong Kaniyang lilikhain ay magkakasala at dahil dito’y masisira ang Kaniyang layunin sa paglikha (Gen. 1:26-28; Isa. 43:7); sapagka’t ang tao ay tiyak na mapupunta sa kapahamakan (Roma 6:23; Mga Awit 9:17).

Subalit hindi lamang ang pagkakasala ng tao ang nakita ng Dios sa Kaniyang foreknowledge, kundi pati na rin ang solusyon sa naturang suliranin, at ito ay ang Kaniyang pagkakatawang tao bilang pantubos sa kasalanan ng sanglibutan.

1Pedro 1:18-19

Na inyong nalalamang kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinagmana sa inyo ng inyong mga magulang;
19 Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, baga’y ang dugo ni Cristo:
20 Na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, nguni’t inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo,

Apoc. 13:8

At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan. (Basahin din: Mga Gawa 2:23)

Samakatuwid, bago pa lalangin ang sanglibutan at ang sangkatauhan, ang pagtubos ay nasa isipan na ng Dios, ito’y kaniyang plinano, at ito’y nagkaroon ng katuparan nang si Cristo’y mamatay doon sa krus.

II – Ang tanging paraan ng pagtubos

Maliwanag sa Biblia na ang kasalanan ay matutubos lamang sa pamamagitan ng dugo na siyang katumbas ng buhay.

Lev 17:11

Sapagka’t ang buhay ng laman ay nasa dugo; at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang itubos sa inyong mga kaluluwa: sapagka’t ang dugo’y siyang tumutubos dahil sa buhay.

Heb 9:22

At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran.

III – Ang pangakong pagtubos

Nang ang tao’y magkasala, agad na ipinahayag ng Dios ang tungkol sa pangakong paglitaw ng Manunubos; at ito’y mababasa sa Genesis 3:15.

Gen 3:15

At papagaalitin ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi: ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kaniyang sakong.

Ang binhi ng babae na tinutukoy dito ay walang iba kundi si Cristo – Isaias 7:14; 9:6-7; Mateo 1:21-23; Gal. 3:16; 4:4-5.

Desktop View

Isa 9:6

Sapagka’t sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

Gal 3:16

Ngayon kay Abraham nga sinabi ang mga pangako, at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi ng Dios, At sa mga binhi, na gaya baga sa marami; kundi gaya sa iisa lamang, At sa iyong binhi, na si Cristo.

Ang pagdurog sa ulo ng ahas ay isang silanganing salita na ang ibig sabihin ay pagwasak sa pagka-Panginoon ng isang pinuno. Nangangahulugan ito na ang pag-angkin ng Diablo bilang panginoon ng taong makasalanan (Juan 8:44; Roma 6:16) ay magtatapos o magwawakas kapag dumating na ang Messias o ang Cristo (ang binhi ng babae).

Desktop View

Kaya’t nang dumating si Cristo sa sanglibutan, ginanap Niya ang layuning ito (I Tim. 2:6; 3:16; Mga Gawa 26:18; Col. 1:12-14; 2:14-15).

Col 2:14

Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa atin, na hindi naaayon sa atin: at ito’y kaniyang inalis, na ipinako sa krus;
15 Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan, sila’y mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa kanila sa bagay na ito.

Ang pagdurog sa sakong ng binhi ng babae ay kumakatawan naman sa pansamantalang pagpapahirap ng Diablo sa Messias o Cristo (Isa. 53:1-12; Mga Gawa 2:35-36; Heb. 2:14-15; Apoc. 1:18).

Isaias 53:5

Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalansang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

Lahat ng paraan ay ginawa ng Diablo upang mahadlangan ang paglitaw ng binhi ng babae (Messias o Cristo) sapagka’t alam niyang ito ang magiging katapusan ng kaniyang paghahari. Makikita natin ito sa mga pangyayaring naitala sa Biblia:

  • Pagpatay ni Cain kay Abel – Genesis 4
  • Pag-aasawa ng mga anak ng Dios (Fallen Angels) sa mga anak ng tao – Genesis 6 para masira ang lahi ng tao at hindi lumitaw ang dalisay na binhi ng tao – ang Tagapagligtas.
  • Pagpatay sa mga sanggol na lalaking Israelita sa panahon ng Faraon – Exodo 1
  • Tangkang pagpatay sa lahat ng mga Judio (kay Ester at kaniyang mga kababayan) ni Aman – Esther 3-4
  • Pagpatay sa lahat ng mga sanggol mula 2 taon pababa, sa panahon ni Herodes – Mateo 2
  • At sa kahulihulihan ay ang pagpatay mismo kay Cristo sa krus ng Kalbaryo – Mga Gawa 3:15

Ang Kabiguan ng Diablo:

Desktop View

Ang kamatayan ni Cristo sa krus ay hindi pagtatagumpay ng Diablo kundi sa halip ay naging kabiguan niya, sapagka’t lingid sa kaniyang kaalaman, ang kamatayan ni Cristo sa krus ang siyang katuparan sa planong pagtubos ng Dios sa sangkatauhan upang mailigtas ito mula sa tiyak na kapahamakan.

1 Cor 2:8

Na hindi napagkilala ng sinomang pinuno sa sanglibutan ito: sapagka’t kung nakilala sana nila, ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian:

Apoc. 1:17

At nang siya’y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako’y ang una at ang huli,
18 At ang Nabubuhay; at ako’y namatay, at narito, ako’y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.

IV – Ang anino ng pagtubos sa Matandang Tipan

Sa Matandang Tipan, ang Dios ay nagbigay sa Israel ng palatuntunan ng paghahandog sa dambana, at ito ay ang paghahandog ng malinis na hayop at pagtitigis ng dugo nito bilang kahaliling alay para sa kanilang kasalanan (Exodo 12; Lev. 1-6; Roma 6:23).

Ang mga paghahandog nilang ito ay pagpapakita ng kanilang pananampalataya sa darating na kamatayan ni Cristo, na Siyang tunay na handog para sa ating kasalanan (Juan 1:29; Hebreo 10:1-5), at ang pagtalima sa plano ng Dios tungkol sa kaligtasan.

Doon sa Krus, binayaran ni Cristo ang ating kasalanan, at ang pag-aalay Niyang ito ay para sa kapakinabangan ng lahat ng taong sasampalataya at tatalima sa Kaniya (Gal. 3:13; Roma 3:24-26).

Tandaan: Ang tao ay nagkasala, at ang batas ng Dios ay humihingi ng kamatayan bilang kabayaran sa kasalanan (Ezekiel 18:4; Roma 6:23 at Sant. 1:15). Upang makapaglaan ng angkop na kahaliling handog, ang Dios ay nagkatawang tao para matugunan ang hinihinging kabayaran sa kasalanan.

(1 Tim. 3:16 BSP Biblia)

Walang alinlangan na dakila ang hiwagà ng kabanalan; Ang Dios ay nagkatawang tao,
Pinatotohanan ng espiritu,
Nakita ng mga anghel,
Ipinangaral sa mga bansa,
Pinaniwalaan sa sanglibutan,
At itinaakyat sa kaluwalhatian.

Heb 2:9

Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kaysa sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus,
Na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan,
Upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa’t tao.

Samakatuwid, ang kamatayan ni Cristo ay naging kahaliling handog para sa ating kasalanan (Gal. 3:13; I Pedro 2:24; I Juan 2:2). Sa halip na tayo ang mamatay, si Cristo ang namatay para sa atin. Ito ang ibig sabihin ng biyaya ng Dios (Efeso 2:8-9).

V – Ang kamatayan ba ni Cristo ay para sa lahat ng tao?

Opo, Si Cristo ay namatay para sa ating lahat.

Rom 5:8

Datapuwa’t ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin,
Na nang tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.

2 Cor 5:15

At siya’y namatay dahil sa lahat,
Upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili,
Kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.
(Basahin din: 1 Juan 2:1-2)

Ang pagkamatay ni Cristo para sa lahat ng tao ay patunay lamang na ang kaniyang biyaya at pag-ibig ay para sa lahat (Heb. 2:9). Nangangahulugan din ito na ang kaligtasan ay iniaalok niya sa lahat, subalit nasa sa tao na lang kung ito’y kanilang tatanggapin o tatanggihan.
(John 3:16 “Ang sinomang”, Mark 16:15-16 “Ang sumasampalataya at mabautismuhan”)

Note: May mga relihiyong nag-aangkin na ang kanilang samahan lang daw diumano ang tinubos o binili ng dugo ni Cristo. Ang pag-angking ito ay base sa kanilang maling interpretasyon sa Mga Gawa 20:28. Tama po na ang Iglesia ang binili ni Cristo ng kaniyang sariling dugo, subalit ang Iglesyang ito ay hindi tumutukoy sa isang samahang nag-aangkin lamang ng pangalang “Iglesia ni Cristo” o “Iglesia ng Dios kay Cristo,” kundi sa kapulungan ng mga taong sumasampalataya sa Panginoong Jesucristo na nabautismuhan sa tubig sa kaniyang pangalan at nabautismuhan sa Espiritu Santo — dahil ito lang ang tanging paraan upang mapabilang tayo sa katawan o Iglesia ni Cristo (Mga Gawa 2:38; Gal. 3:25-29; I Cor. 12:13; Col. 1:18).

Samakatuwid, ang Iglesiang tinubos ni Cristo ayon sa Mga Gawa 20:28 ay tumutukoy sa lahat ng mga taong nakaranas ng bautismo sa tubig at Espiritu Santo, at ginawa Niyang kaniyang Iglesia.

Ang tanong: sila ba ‘yun? Nabautismuhan ba sila sa tubig sa pangalan ni Jesucristo at sa Espiritu Santo? Hindi porke’t ginamit ng isang samahan ang pangalang “Iglesia ni Cristo” o kaya’y “Iglesia ng Dios” ay sila na ang tinutukoy nito sa Biblia.

VI – Tatlo sa pinaka-mahalagang layunin kung bakit namatay si Cristo sa Krus:

Desktop View

  • Para sa pagbabayad-sala o pagtubos sa ating kasalanan

Heb 2:9

Kundi nakikita natin ang ginawang mababa ng kaunti kaysa sa mga anghel,
Sa makatuwid ay si Jesus,
Na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan,
Upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay lasapin niya ang kamatayan dahil sa bawa’t tao.

  • Upang malipol ang may paghahari sa kamatayan, samakatuwid baga’y ang Diablo.

Heb 2:14

Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo,
Siya nama’y gayon ding nakabahagi sa mga ito;
Upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan,
Sa makatuwid ay ang diablo.

  • At maibalik ang pakikisama o fellowship ng tao sa Dios
    (Basahin: Efeso 2:11-17 at Colosas 1:19-22)

Col 1:19

Sapagka’t minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya;
20 At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay,
Na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus;
Sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan.
21 At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.
22 Gayon ma’y pinakipagkasundo niya ngayon sa katawan ng kaniyang laman,
Sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo’y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya.

Pagtatapos:

Dahil sa kamatayan ni Cristo sa krus ng Kalbaryo, nagkaroon tayo ng pagkakataong mapatawad sa ating mga kasalanan

Mat 26:28

Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan,
Na nabubuhos dahil sa marami,
Sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

…at magtamo ng pag-asa sa buhay na walang hanggan.

Juan 3:16

Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan,
Na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,
Upang ang sinomang sa kaniya’y sumasampalataya ay huwag mapahamak,
Kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

(Basahin din: Efeso 1:7; Col. 1:14; Heb. 9:15; Apoc. 5:9-10)


Sagutan ang mga sumusunod na katanungan:

1. ________________ At siya’y namatay ________ ___ _____,
Upang ang nangabubuhay ay huwag nang mabuhay pa sa kanilang sarili,
Kundi doon sa namatay dahil sa kanila at muling nabuhay.

2. Magbigay ng dalawang talatang nagpapakita na ang kamatayan ni Cristo sa krus para matubos tayo sa kasalanan ay hindi biglaang solusyon kundi isang planong naipasiya Niya na bago pa itatag ang sanglibutan.

A. ______________
B. ______________

3. Ibigay ang dalawang talatang nagpapakita na ayon sa Biblia ang kasalanan ay matutubos lamang sa pamamagitan ng dugo na siyang katumbas ng buhay

A. ______________
B. ______________

4. Gen 3:15
At _______________ ko ikaw at ang babae,
At ang iyong binhi at ang kaniyang binhi:
Ito ang dudurog ng iyong ___________,
At ikaw ang dudurog ng kaniyang ____________.

5. Ano ang ibig sabihin ng mga ito?

A. Pagdurog sa ulo ng ahas_______________
B. Pagdurog sa sakong ng binhi ng babae_______________

6. Magbigay ng dalawang talatang nagpapakita na ang kamatayan ni Cristo sa krus ay hindi kabiguan kundi pagtatagumpay Niya laban sa Diablo

A. ______________
B. ______________

7. Doon sa __________, binayaran ni Cristo ang ating ___________, At ang pag-aalay Niyang ito ay para sa kapakinabangan ng lahat ng taong sasampalataya at tatalima sa Kaniya (Gal. 3:13; Roma 3:24–26).

8. Anu-ano ang tatlong mahalagang layunin kung bakit nagkatawang tao at namatay si Cristo sa krus?

A. _____________
B. _____________
C. _____________

9. Heb 2:14
Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo,
Siya nama’y gayon ding nakabahagi sa mga ito;
Upang sa pamamagitan ng ________________
Ay kaniyang ___________ yaong may paghahari sa kamatayan,
Sa makatuwid ay ang ____________:

10. Anong talata ito?
Sapagka’t ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.
______________.



Credits

Book: Mga Pangunahing Doktrina sa Biblia - Pages 33-37
Author: Rev. Ranny D. Cometa | UPC Naga

This post is licensed under CC BY 4.0 by the author.