Post

Ang mga Hakbang sa Kaligtasan

Ang mga Hakbang sa Kaligtasan

Mga Gawa 16:30-34

30 At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.
32 At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.
33 At sila’y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka’y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.
34 At sila’y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinaian sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisinampalataya sa Dios.

Panimula:

Mayroong tatlong sipi ng Kasulatan sa Bagong Tipan ang nagpapahayag at sumasagot sa napakahalagang katanungang ito ng tao sa kaniyang buhay, “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?”

I - Ang pakikipag-usap ni Jesus kay Nicodemo “YOU MUST BE BORN AGAIN”

Juan 3:1-7

1 May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagnga-ngalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio:
2 Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya’y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka’t walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.
3 Sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.
4 Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya’y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?
5 Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.
6 Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga.
7 Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo’y ipanganak na muli.

Ano ang kaharian ng Dios? At ano ang kaugnayan nito sa kaligtasan?

Ang kaharian ng Dios ay ang makapangyarihang pamumuno ng Dios sa Sansinukob, at ito ay may dalawang aspeto.

  1. Espiritiwal na kaharian
  2. Literal na kaharian

Ang Espiritiwal na kaharian ay tumutukoy sa paghahari ng Dios sa puso ng tao (Marcos 1:14-15; Lucas 17:20-21).

Lucas 17:20-21

20 At palibhasa’y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita:
21 Ni sasabihin man nila, Narito! o Nariyan! sapagka’t narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.

Naganap ito ng suguin ng Dios ang Kaniyang Espiritu upang manahan sa puso ng isang mananampalataya (Roma 14:17; Efeso 1:13-14; Hebreo 6:3-4).

Ibig sabihin, kapag ang isang tao ay tumanggap ng Espiritu Santo, Siya’y pinaghaharian ng Dios sa Espiritiwal na kalagayan.

Rom 14:17

Sapagka’t ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.

Ang literal na kaharian ay tumutukoy naman sa paghahari ni Cristo sa Sanglibutan sa loob ng isang libong taon, kadalasang tinatawag na Millenium, at ito’y magaganap sa kaniyang ikalawang pagparito (Apoc. 20:4-6).

Apoc 20:4-6

4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila’y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila’y nangabuhay, at nagsipaghari kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.
5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.
6 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila’y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangsisipaghari kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang kahariang ito ay matatatag magpasawalang-hanggan kapag hinatulan na ng Dios ang Diablo at lahat ng mga makasalanan; at pagkatapos nito’y gagawa Siya ng bagong langit at bagong lupa na doo’y wala ng papasok na kasalanan (Apoc. 20:11-15; Isaias 65:17)

Isa 65:17

Sapagka’t narito, ako’y lumilkha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalala, o mapapasa isip man.

Ang Aklat ng Apocalipsis ay naglalarawan sa panghinaharap na aspetong ito ng kaharian ng Dios (Apoc. 11:15; 19:6, 16; 22:1-3).

Apoc. 11:15

At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya’y maghahari magpakailan kailan man.

Ngayon, upang makabahagi sa kahariang ito ng Dios, sa Espiritiwal man o literal, ang isang tao ay kinakailangang maipanganak na muli sa tubig at Espiritu, na nangangahulugan ng pagpapa-bautismo sa tubig at pagtanggap ng Espiritu Santo. Walang sinoman ang maaaring pagharían ng Dios sa Espiritiwal na kalagayan, magkaroon ng kagalakan, kapayapaan at katuwiran sa Espiritu, at makapapasok sa literal na kaharian ng Dios kung hindi siya maipanganganak na muli sa tubig at Espiritu Santo.

Samakatuwid, ang tanong na “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” ay may kaparehong sagot sa tanong na “paano ako makapapasok sa kaharian ng Dios”?

Ang sagot ng Panginoong Jesus sa tanong na ito ay “Kinakailangang kayo’y ipanganak na muli” “You must be Born Again” (Juan 3:1-7 – na ang ibig sabihin ay mabautismuhan sa tubig at Espiritu Santo).

II - Ang sagot ni Apostol Pedro sa mga Judio no’ng araw ng Pentecostes (Mga Gawa 2:37-39)

Mga Gawa 2:37-39

37 Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
39 Sapagka’t sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawaging ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

Pagkatapos ibuhos ng Dios ang Espiritu Santo sa 120 mga mananampalataya na nagkakatipon sa isang dako, ang mga taong dumalo sa Pista ng Pentecostes ay napasugod sa lugar na kanilang pinagkatipunan. Namangha sila sa kanilang narinig at nasaksihan sapagka’t ang mga alagad ay nagsisipagsalita ng iba’t-ibang wika. Magkakaiba ang kanilang naging reaksiyon dito, at nagtatanung kung anong ibig sabihin nito?

Sa pagkakataong ito, si Pedro ay tumayo at nangaral na sinasabing ito ay tungkol sa katuparan ng hula ni Propeta Joel (Joel 2:28-32), at siya’y nagpatuloy na ipinakilala si Cristo bilang Tagapagligtas nila; subalit Siya’y kanilang ipinako sa Krus at pinatay. Idnagdag pa ni Pedro, “Pakatalatasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.” (Mga Gawa 2:36).

Ibig sabihin, si Jesus ang nag-iisang Dios (Panginoon - Deut. 6:4-5) na nagkatawang tao (Cristo - I Tim. 3:16; Juan 1:1, 14; Heb. 10:5) upang iligtas sila sa kasalanan datapuwa’t kanilang tinanggihan, at Siya’y ipinako at pinatay sa krus. Nang marinig nga nila ito ay nangasaktan ang kanilang puso (nakunsensiya sa kanilang ginawa) at nagtanong, Mga ginoo anong gagawin namin?

Tila baga sinasabi nila na: Kung si Jesus ang Dios na nagkatawang tao para iligtas kami sa kasalanan subalit aming tinanggihan at pinatay, ano na ngayon ang aming gagawin para maligtas? Sa sagot ni Pedro makikita natin ang tatlong hakbang na kinakailangang gawin upang ang isang tao ay tumanggap ng kapatawaran sa kasalanan at ng pangakong kaligtasan.

Mga Gawa 2:38

At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

Maliwanag sa talatang ito na may tatlong bagay na kinakailangang gawin upang ang isang tao ay tumanggap ng kapatawaran sa kasalanan at kaligtasan.

  1. Pagsisisi
  2. Bautismo sa tubig sa Pangalan ni Jesucristo, at
  3. Pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo

III - at ang sagot ni Pablo sa tanong ng bantay ng kulungan sa Filipos

Mga Gawa 16:30-34

30 At sila’y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
31 At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.
32 At sa kaniya’y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.
33 At sila’y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka’y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.
34 At sila’y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinaian sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.

Ang siping ito ng kasulatan ay ang tanging mga talata sa Bagong tipan na nagtataglay ng direktang tanong at sagot sa kung, “Ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?”

Sa kabanatang ito, Mga Gawa 16, naitala na sina Pablo at Silas ay dinakip, pinahirapan at ikinulong sa Filipos, isang Siyudad sa Macedonia, dahil sa pangangaral ng Evangelio. Nang sumapit ang hatinggabi, sila’y umawit at nagpuri sa Dios, at pagdaka’y nagkaroon ng lindol at nauga ang kulungan anupa’t nangabuksan ang mga pinto at nangakalag ang kanilang gapos.

Mga Gawa 16:27-28

27 At ang tagapamahala, palibhasa’y nagising sa pagkakatulog at nang makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, ay binunot ang kaniyang tabak at magpapakamátay sana, sa pagaakalang nangakatakás na ang mga bilanggo.
28 Datapuwa’t sumigaw si Pablo ng malakas na tinig, na sinasabi, Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagka’t nangaririto kaming lahat.

Nang marinig niya ito, siya’y humingi ng ilaw at nag-imbistiga tungkol dito. Lumapit siyang nanginginig at nagpatirapa kina Pablo at Silas sapagka’t napagtanto niyang sila ang dahilan ng mahimalang lindol na ito. Sila’y kaniyang inilabas at nagtanong “Mga Ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?” (Mga Gawa 16:30)

Ang sagot nina Apostol Pablo at Silas:

Mga Gawa 16: 31

At kanilang sinabi, Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan.

Paglilinaw:

Sinasabi ng ibang mga tagapagturo na sa talatang ito (Mga Gawa 16:31) ay ligtas na raw diumano ang bantay ng kulungan dahil nanampalataya na siya. Ang talatang 32 ay wala na raw kaugnayan sa kaligtasan. Kaya ayon sa kanilang paniiwala, ang bantay ng kulungan ay nagpabautismo hindi para maligtas kundi dahil ligtas na. Tama po ba ang ganitong pananaw at paniiwala? Mali po sapagka’t kung pansinin natin:

· Vs 30 - Ang tanong kung paano maliligtas · Vs 31 - Ang kundisyon para maligtas (Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus), at kung sino naman ang pinangakuang maliligtas (maliligtas ka, Ikaw at ang iyong sangbahayan) · Vs 32-33 - Kung paano natupad ang kundisyon ng kaligtasan (Sinalita ang Salita ng Dios sa kaniya pati sa kaniyang sangbahayan at saka sila’y binautismuhan).

Sa Roma 10:17 at Mga Gawa 11:13-14, ganito po ang mababasa natin:

Rom 10:17

So then faith cometh by hearing, and hearing by the word of God.

(Kaya nga ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng Salita ni Cristo)

Mga Gawa 11:13

13 At kaniyang isinaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kaniyang bahay, at nagsasabi, Magsugo ka sa Joppe, at ipagsama mo si Simon, na may pamagat na Pedro;
14 Na siyang magsasaysay sa iyo ng mga salita, na ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sangbahayan mo.

Sa mga talatang ito ay maliwanag na kinakailangan munang mapakinggan ng isang tao ang salita ng Dios bago siya magkaroon ng pananampalataya na siyang pangunahing kailangan para sa ikapagtatamo nya ng kaligtasan.

Tanong: Kung totoong ligtas na yung bantay ng kulungan sa vs 31, eh di ligtas na rin yung sangbahayan nya kahit hindi pa nakakapakining ng salita ng Dios?

Paano maliligtas yun kung hindi pa nila napakinggan ang Salita ng Dios na siyang kailangan para magkaroon sila ng pananampalataya para sa ikaliligtas nila? (Roma 10:17; Mga Gawa 11:13-14)

Kaya nga sa talatang 32, sinalita nina Pablo ang salita ng Dios sa bantay ng kulungan pati sa kaniyang sangbahayan, at sa talatang 33 siya at ang kaniyang sangbahayan ay binautismuhan. Samakatuwid, ang kaligtasan ay kanilang natanggap matapos nilang mapakinggan ang salita ng Dios, nanampalataya at nagpabautismo sa tubig - ang katunayan ng pananampalataya para maligtas (Marcos 16:15-16; I Pedro 3:20-21).

Pagtatapos:

Maliwanag sa mga sipi ng kasulatan na ating napag-aralan na ang mga hakbang na kinakailangang gawin sa ikapagtatamo ng kaligtasan ay:

  1. Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kaniyang Salita (ang evangelio)
  2. Pagsisisi sa kasalanan
  3. Pagpapa-bautismo sa tubig sa pangalan ni Jesucristo, at
  4. Pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo

(Roma 1:16; Marcos 16:15-16; Mga Gawa 2:38).

Ang tanong ay, nanampalataya kana ba? Nagsisi ka na ba sa iyong kasalanan? Nagpabautismo sa tubig sa pangalan ni Jesucristo? Tinanggap mo na ba ang Espiritu Santo? Kung hindi anong nakahahadlang sayo? Sabi nga ay “kung hindi ngayon, kailan pa?”


Sagutan ang sumusunod na mga katanungan

Desktop View


Credits

Book: Mga Pangunahing Doktrina sa Biblia - Pages 49-53
Author: Rev. Ranny D. Cometa | UPC Naga

This post is licensed under CC BY 4.0 by the author.